Sabado, Enero 28, 2012

Ibong Adarna Chapter Summaries with Talasalitaan (Tagalog)




Kabanata 2- Ang Mag Anak
Nilarawan ang kaharian ng Berbanya at ang mga tao dito. Si Don Fernando  ay isang makatarungang hari. Si Donya Valeriana ang kanyang asawa at siya ay maganda at mabait. May tatlo silang anak. Ang panganay nila ay si Don Pedro. Siya ay matipuno. Si Don Diego, sumunod sa kanya, ay tahimik. Ang bunsong si Don Juan ay romantiko. Pinapili ng hari ang mga anak kung ang gusto nila ay mag pari o maging hari. Pinili nila ay maging hari. Kaya nag ensayo sila para mahasa ang kanilang kakayahang mag espada.
Talasalitaan:

Dukha – mahihirap

Pagpapala – biyaya

Balakin – planuhin

Nililimi – pinag-iisapan

Uliran – modelo



Kabanata 3 – Ang Panaginip

Mapayapa ang lahat hangang isang gabi nanaginip ang hari tungkol kay Don Juan na pinatay daw siya ng dalawang trydor. Nag kasakit ang hari dahil dito at walang makagamot sa kanya. May dumating na manggagamot at sinabing ang kanta lang ng Ibong adarna ang makakagamot sa kanya. Mahahanap daw ito sa bundok Tabor sa puno ng Piedras Platas. Hating gabi daw ito kung dumating. Kaya inutusan ng hari si Don Pedro na kunin ang Ibong Adarna.

Talasalitaan

Talinghaga – palaisipan

Lumbay – lungkot

Nababakas – naaninag

Dalamhati – kalungkutan

Makinang – maningning


Kabanata 4 – Unang Paglalakbay

Naglakbay si Don Pedro nang tatlong buwan sa kabayo niya para hanapin ang Adarna. Namatay ang kabayong ito pagdating sa tuktok ng bundok kaya naglakad na lamang siya. Nakakita siya ng mahiwagang puno at nagpahinga muna doon. Hinintay niya ang Adarna hanggang sa siya ay makatulog. Dumating ang Adarna at nagsimula nang kumanta. Nang magpalit ito ng balahibo, siya ay dumumi at napatakan si Don Pedro.  Ang prinsepe ay naging bato.

Talasalitaan:


Pata – pagod

Mapawi – mawala

Himpapawid – langit

Nangungulila – nalulungkot

Panatag – kalmado



Kabanata 5 –Ikalawang Paglalakbay

Nang hindi nagbalik si Don Pedro, inutusan na ng hari si Don Diego na hanapin ang kapatid at ang Ibong Adarna. Naglakbay siya ng limang buwan at tulad ni Don Pedro, napagod at namatay ang kabayo niya. Pinagpatuloy niya ang paglalakad hangang sa marating niya ang Bundok ng Tabor. Nakita niya ang punong Piedras Platas at sa ilalim nito ay may nakita siyang bato. Nagpahinga siya doon at naghintay sa Adarna. Nang dumapo na ang gabi, dumating na ang pinakahihintay niya. Naisip niya na pwede na niya itong hulihin pero nang magsimula na itong kumanta, biglang inantok si Don Diego. Nang matapos ang kanta, napatakan din siya ng dumi at naging bato.

Talasalitaan:

Napuna – napansin

Nalilingid – nasasabi

Nangalisag – tumayo

Malubha – malala



Kabanata 6 – Ang Paglalakbay ni Don Juan sa Kabundukan

Tatlong taong hindi bumalik ang dalawang prinsipe kaya naisipan ni Don Juan na mag paalam sa kanyang ama para siya naman ang maghahanap. Ayaw pumayag ng hari na paalisin siya dahil nag-aalala ito sa kaligtasan ng anak. Sinabi ni Don Juan na mahalaga sa kanya ang kanyang ama at mga kapatid kaya kailangan niyang hanapin ang mga ito at maging ang Adarna. Kung hindi siya papayagan ay mapipilitan siyang umalis ng palihim kaya pumayag na lang ang hari at binigyan siya ng bendisyon. Umalis si Don Juan at hundi gumamit ng kabayo. Nag baon lang siya ng limang tinapay na kakainin niya bawat buwan. Nang ikaapat na buwan ay may nakita siyang matandang leproso at binigay niya ang huli niyang tinapay. Lubos na nalugod ang matanda kaya Sinabi niya kung paano niya mahahanap ang Piedras Platas at ang ermitanyong makatulong sa kanya upang mahuli ang Ibong Adarna.


Talasalitaan:

Pinagpipitagan – minamahal

Namanglaw – nalungkot

Matatamo – makukuha

Tinataglay – dinadala

Nagpahayag – nagsabi

Panlunas - gamot

Pagtanggi – pag-ayaw




Kabanata 7 – Ang Ermitanyo

Si Don Juan ay mabilis na umalis patungong Piedras Platas. Pinuntahan niya ang ermitanyong sinasabi ng matandang leproso. Sinabi ni Don Juan na kailangan niya ng tulong ng ermitanyo sa paghuli ng Adarna at mahanap ang kanyang mga kapatid. Tinulungan naman ng ermitanyo si Don Juan. Sinabi ng ermitanyo ang mga ginagawa ng Ibong Adarna. Kakanta ito ng pitong beses at magpapalit ng kulay sa balahibo ng pitong beses din. Sinabi rin niya na ang mga kanta ay nakakaantok kaya kailangan niyang hiwain ang kanyang kamay gamit ang labaha at patakan ng dayap upang di-antukin. Sinabi din ng Ermitanyo na iwasan ang pagdudumi nito.


Talasalitaan:

Natanaw – nakita

Kapagdaka – kaagad

Kasawian – kamatayan

Mawari – malaman

Dalita – kahirapan

Maitutumbas - maitutulad

Hangad – gusto

Inilaan – itinabi



Kabanata 8 – Sa Bundok ng Tabor

Si Don Juan ay pumunta na sa Piedras Platas upang abangan ang Ibong Adarna. Noong nakita na niya ang ibon, siya’y nagandahan at nang magsimula nang kumanta ito, siya’y inantok. Ginawa na niya ang bilin ng ermitanyo sa kanya, tinusok niya ang kanyang kamay gamit ang labahang dala at nilagyan niya ito ng dayap para hindi siya makatulog sa sobrang hapdi.

Pagkatapos ng mga kanta iniwasan naman ni Don Juan ang pagdudumi nito. Noong nakatulog na ang Ibong Adarna, iginapos niya ang mga paa nito gamit ang gintong lubid na dala. Inilagay niya ito sa hawla at dinala sa ermitanyo. Ipinakuha naman ng ermitanyo ang isang baldeng tubig para ibuhos sa mga bato upang maging tao ulit ang kanyang mga kapatid na sina Don Pedro at Don Diego. Lahat sila’y nagkasiyahan at bumalik sa ermitanyo upang kunin ang Ibong Adarna. Sila’y masayang kumain at maligayang naglakad pabalik sa Kaharian ng Berbanya.


Talasalitaan:

Nagtungo – pumunta

Natanawan – nakita

Naulinigan – narinig

Marikit – maganda

Kirot – sakit

Inilagan – umiwas

Nagmatyag – nagbantay


Kabanata 9 – Nagbalik ang Tatlong Prinsipe

Habang pauwi ang magkakapatid, inisip ni Don Pedro na kung babalik silang tatlo sa kaharian, si Don Juan ang makakakuha ng malaking pasasalamat at malaking selebrasyon. Nagpahuli siya upang makausap si Don Diego habang nauna si Don Juan. Sinabi ni Don Pedro ang kanyang plano na bugbugin at iwanan si Don Juan upang silang dalawa ni Don Diego ang makakatangap ng malaking pasalamat. Sa una, nasindak si Don Diego ngunit ginawa pa rin nila ang suhestiyon ng kapatid. Binubog nila si Don Juan, na hindi man lang lumalaban, at iniwan siya ng makitang halos di na siya humihinga. Tumakas ang dalawa kasama ang Ibong Adarna.

Talasalitaan:
Umagapay – sumabay

Nasindak – nagulat

Tumutol – di sang-ayon

Hambing – kumpara

Nalihis – naligaw



Kabanata 10 – Ayaw Umawit ng Adarna


Pagdating sa Berbanya, natuwa ang hari sa kanilang pagbabalik at agad ding nalungkot nang makitang hindi nila kasama si Don Juan. Tinanong ng hari kung nasaan si Don Juan pero ang sinagot nila ay hindi nila alam. Umaasa na lang ang hari na babalik pa si Don Juan. Ang Adarna rin ay pumangit at ayaw na kumanta. Nagduda ang hari kung iyon ba ang totoong Adarna.


Talasalitaan:

Nag-usisa – nagtanong

Pag-idlip – Pag-tulog

Giginhawa – pepresko

Nagunita – naalala

Sanhi – dahilan



Kaanata 11 – Naghihinagpis si Don Juan

Si Don Juan ay lubhang nasaktan kaya akala niya mamamatay na siya. Nagdasal na lamang siya sa diyos na gumaling ang kanyang ama at huwag parusahan sina Don Pedro at Don Diego. Ang mga dasal ni Don juan ay narinig at may isang matanda na lumapit at pinagaling si Don Juan.


Talasalitaan:

Dumadamay - tumutulong

Tangkilikin -  suportahan

Kahabagan – kaawaan

Tutuusin – aanalisahin

Magawi – mapadaan


Kabanata 12 – Tumulong ang Ermitanyo

Narinig ang dasal ni Don Juan at isang matanda ang lumapit sa kanya. Ginamot ng matanda ang mga sugat ni Don Juan at nang magising siya, nagpasalamat na siya sa matanda at bumalik na sa paglalakbay papuntang Berbanya.


Talasalitaan:
Hinagod – hinimas

Nakatindig – nakatayo

Dumaramay – nagmamahal

Lumalawig – tumatagal

Nananangis – umiiyak



Kabanata 13 – Kwento ng Adarna

Bumalik na si Don Juan sa Berbanya.

Masaya ang mga tao sa pagbabalik niya ngunit hindi naging masaya ang kanyang mga kapatid. Nasorpresa sila sa pagsulpot ni Juan at akala nila ay napatay na nila ito. Pagkakita ng Ibong Adarna kay Don Juan, bumalik sa dating rikit ang kanyang mga balahibo at kumanta ito habang isinalaysay ang pagtataksil ni Don Pedro at Don Diego kay Don Juan.


Talasalitaan:


Kapanglawan – kalungkutan

Hinalinhan – pinalitan

Nabunyag – nalabas

Sinalok – kinuha

Maglilo – magtaksil



Kabanata 14 – Nagalit at Nagpatawad ang Hari


Nagalit ang hari nang matapos ang kanta ng Adarna at bibigyan sana ng parusa pero si Don Juan ay tumutol. Hayaan na lang daw sila at napatawad na niya ito. Pinabigyan ng hari ang dalawa ngunit nagbigay ito ng babala na kapag inulit nila ito, kamatayan ang kanilang parusa.


Talasalitaan:

Poot – galit

Nahabag – naawa

Giliw – mahal

Nanibugho – nagselos



Kabanata 15 – Binantayan ang Adarna

Inatasan ng hari ang tatlong prinsipe na bantayin ang Adarna. Isang gabi, pagkatapos bantayan ni Don Pedro ang Ibong Adarna, ginising na niya si Don Juan kahit hindi pa niya oras magbantay. Habang nagbabantay si Don Juan, nakatulog siya at dumating na naman ang dalawang taksil na sina Don Pedro at Don Diego. Pinakawalan nilang dalawa ang ibon at nang magising si Don Juan, takot kaagad ang kanyang nadama.


Talasalitaan:

Pagtatanod – pagbabantay

Ganid – sakim

Halinhan – palitan

Nadama – naramdaman



Kabanata 16 – Umalis si Don Juan

Pagkagising ni Don Juan ay nawala na ang Adarna. Labis siyang nabahala at sinisisi niya ang kanyang sarili. Umalis siya ng Berbanya upang hanapin ang ibon. Kinaumagahan, hindi na nakita ni Don Fernando ang Adarna. Nagalit siya at tinanong kung sino ang huling nagtanod. Sinabi ng dalawang taksil na si Don Juan ang huling nagbantay at kaagad-agad siyang pinahanap sa dalawa ang Adarna at si Juan. Umalis sila at hinanap si Don Juan hanggang sa makita nila ito sa Bundok ng Armenya.


Talasalitaan:

Minimithi – hinahangad

Mamasid – obserbahan

Lihim – sikreto

Magbulaan – magsinungaling



Kabanata 17 – Sa Bundok ng Armenya

Nakita ng magkapatid si Don Juan sa kabundukang Armenya. Sila’y nagkaayos na at hinikayat ng mga kapatid si Don Juan na doon na lamang tumira sa Bundok ng Armenya at huwag ng bumalik sa Berbanya. Sa paglipas ng panahon ang magkakapatid ay naglilibang. Namimingwit sa mga batis at nanghuhuli ng ibon at usa sa paligid. Isang araw, may nakita silang bundok at nagpasya silang pumasok dito.


Talasalitaan:

Kaaya-aya – maganda

Maliw – hinto

Malalanghap – maaamoy

Hinahon – kontrol

Kinatigan – sinang-ayunan



Kabanata 18 – Misteryosong Balon

Isang araw, sa sobrang inip ng magkakapatid ay lumakbay sila. Habang naglalakad ay may nakita silang isang balon. Ang balon na ito ay kakaiba. Walang tubig sa loob at napakalalim nito. Agad nanagtaka si Don Juan at alam niya na may mahika ito. Yinaya niya ang mga kapatid niyang bumababa. Nagboluntaryo si Don Juan na unang bumaba ngunit nanguna si Don Pedro dahil siya ang panganay. Sinubukan ng dalawang nakakatandang kapatid ni Don Juan na bumaba ngunit si Don Juan lang ang tumagumpay. Pagdating niya sa baba ay may nakita siyang palasyong gawa sa ginto’t plaka.


Talasalitaan:

Pagmamasid – panonood

Matatalos – malalaman

Humadlang – kumontra

Matarok – maintindihan

Naninimdim – nalulungkot



Kabanata 19 – Prinsesa Juana

Nang lumapit siya sa palasyo, may nakita siyang babae. Ang pangalan ay Donya Juana. Nahulog kaagad ang kalooban ni Don Juan kay Donya Juana at pinupuri siya sa kagandahan niya. Natatakot si Donya Juana kaya pinahintulutan siya na wag siyang iwan. Nang dumating ang higante, hinamon ito ni Don Juan sa isang laban. Nagwagi si Don Juan at papaalis na sila. Subalit biglang natandaan ni Donya Juana ang kanyang kapatid na si Donya Leonora kaya pinuntahan ito ni Don Juan.

Talasalitaan:

Yungib – kweba

Bughaw – asul

Nagagalak – natutuwa

Aba – mahirap

Inilapag – ibinaba


Kabanata 20 – Prinsesa Leonora

·         Nakita ni Don Juan sa palasyo si Donya Leonora.

·         Nagtitigan muna sila hanggang sa magtanong si Leonora kung ano ang ginagawa niya roon.

·         Humingi ng paumanhin si Don JuanNagkagustuhan ang dalawa habang nag-uusap

·         Dumating ang serpyenteng nagbabantay kay Donya Leonora at naglaban sila ni Don Juan


Talasalitaan:

Makihamok – lumaban

Namitig – nangawit

Maglingkod – magsilbi

Pinid – sarado



Kabanata 21 – Labanan ni Don Juan at ng Ahas

Dumating ang serpyenteng may pitong ulo na nagbabantay kay Donya Leonora. Muli, naglaban si Don Juan at ang serpyente. Sa bawat pagputol sa ulo ng Serpyente, tumutubo ulit ito. Inabot ni Donya Leonora ang basalmo na ilalagay sa ulo ng serpyente sa bawat pagputol. Hindi na rin tumubo ang ulo ng ahas at nakatakas na sila Don Juan  at si Donya Leonora.

Talasalitaan:

Kapansanan – depekto

Masindak – matakot

Maigupo – matalo

Mataimtim – matapat

Sagupaan – labanan



Kabanata 22 – Pagtataksil ni Don Pedro

Pagka-ahon sa balon ni Don Juan at Prinsesa Leonora, sila ay nagkukwentuhan. Dahil dito, naingit si Don Pedro sa kanilang pagmahalan. Nagustuhan din niya si Donya Leonora, samantalang ayaw ni Leonora si Don Pedro. Sinabi ni Donya Leonora na naiwan niya ang kanyang singsing sa ilalim ng balon at nagboluntaryo si Don Juan na siya ang bababa ng balon at kuhanin ang singsing. Tumanggi si Donya Leonora at nagpasyang iwan na lang ang singsing pero sabi ni Don Juan na bababa na siya. Habang bumababa si Don Juan, pinutol ni Don Pedro ang tali at iniwan nila si Don Juan. Inilabas ni Donya Leonora ang kanyang lobo at ito ang tumulong kay Don Juan.



Talasalitaan:

Pangimbulo – pagka-inggit

Ipahayag – ipaalam

Nagulumihan – nalito

Mapapala – makukuha

Panunuyo – pagpapakitang giliw



Kabanata 23 – Panaginip ng Hari Ukol kay Don Juan

Napanaginipan ng hari ang nangyari kay Don Juan at nangangamba siyang baka totoo ito at napahamak ang kanyang bunso.


Talasalitaan:

Nabatid – nalaman

Pag-idlip – pagtulog

Uliran – modelo

Litisin – suriin

Nauuntol – nahihinto



Kabanata 24 – Kasal ni Prinsesa Juana

Bumalik na sa Berbania sina Don Pedro, Don Diego, Prinsesa Juana at Prinsesa Leonora.
Naniwala ang hari sa kuwento ng dalawang magkapatid na patay na si Don Juan at silang dalawa ang nagligtas sa dalawang prinsesa. Ikinasal kaagad si Prinsesa Juana at Don Diego samantalang si Prinsesa Leonora ay humingi ng palugit na pitong taon dahil sa kaniyang panata. Humingi siya ng sariling silid upang doon niya tuparin ang panatang iyon. 



Talasalitaan:

Nawalay – nalayo

Inaasam – pinapangarap

Lumbay – lungkot

Natanaw – nakita

Kagalakan – saya




Kabanata 25 – Ang Lobo

Nakita ng lobo na isang engkantado ang sugatang si Don Juan. Ginamot niya ang prinsipe sa pamamagitan ng tubig na nanggaling sa Dagat Jordan. Pagkatapos gumaling si Don Juan, kinuha niya ang singsing na diamante ni Prinsesa Leonora at lumakad siya pabalik sa Kaharian ng Berbanya.


Talasalitaan:

Malubha – delikadp

Nakatindig – nakatayo

Kalinga – tulong

Kurap – pikit

Nagunita – naalala



Kabanata 26 –Pagkikita ni Don Juan at Ibong Adarna

Lumakad na si Don Juan pabalik sa Kaharian ng Berbanya. Sa kapaguran, nagpahinga siya sa ilalim ng puno. Dumating ang Ibong Adarna at kumanta na nagsasaad ng pag-iisip ni Prinsesa Leonora sa kaniya subalit meron pang isang babaeng mas maganda kay Prinsesa Leonora. Siya ay si Donya Maria Blanca, anak ng Haring Salermo ng kaharian ng De los Crystal. Pumunta na si Don Juan papuntang Reyno de los Crystal.


Talasalitaan:

Landas – daan

Aliw – ligaya

Pinapakay –nilalayon

Mangamba – mag-alala




Kabanata 27 – Paghihinagpis ni Prinsesa Leonora

Napakalungkot ni Donya Leonora. Nanalangin siya na nailigtas ng lobo si Don Juan. Habang malungkot si Donya Leonora, si Don Juan naman ay di mahanap ang daan patungong Reyno De Los Cristales.


Talasalitaan

Tumatangis – umiiyak

Nasasambit – nasasabi

Maliw – katapusan

Nabalisa – nag-alala




Kabanata 28 – Paglalakbay ni Don Juan

Habang malungkot si Donya Leonora, si Don Juan naman ay di mahanap ang daan patungong Reyno De Los Cristales. Habang naglalakad, nakatagpo siya ng isang Ermitanyo. Humingi siya ng pagkain dito at binigyan siya ng isang maitim na tinapay at tubig. Nagpasalamat si Don Juan at tinanong niya kung saan ang daan patungong De Los Cristales. Sabi ng ermitanyo, pumunta siya sa ikapitong bundok. Doon ay may matatagpuan siyang isa ding ermitanyo. Ibibigay ni Don Juan ang pirasong tela na ibibigay ng habilin ng ermitanyo sa kanya. Kung tatanungin si Don Juan kung kanino galing, sasabihin daw ni Don Juan na galing sa matandang sugatin.


Talasalitaan:

Masigasig – matiyaga

Tumungga – uminom

Sinaid – inubos

Nangingimi – nahihiya

Nalalabi – natitira




Kabanata 29 – Ang Himutok ni Don Pedro

Sa kabanatang ito ay nag-aaway sina Donya Leonora at Don Pedro. Mahal  pa rin ni Donya Leonara si Don Juan kaya’t tuwing binibisita ni Don Pedro si

Donya Leonora , sila ay nag-aalitan.  Pinipilit naman ni Don Pedro na mahalin siya ni Donya Leonara ngunit ayaw talaga nito. Sa huli, umalis si Don Pedro na may sakit sa dibdib dahil sa pagkabigo.


Talasalitaan:

Pawiin – alisin

Nababatid – nalalaman

Nagmaliw 0 nawala

Hinay-hinay – unti-unti




Kabanata 30 – Paglalakbay ni Don Juan sa Kabundukan


Matapos ang limang buwan ay nakarating si Don Juan sa ikapitong bundok kung saan nakita niya ang ermitanyo na mahaba na ang buhok sa katandaan. 
Ayaw kausapin ng ermitanyo si Don Juan kung hindi niya ipinakita ang piraso ng damit na ibinigay ng matanda. Umiyak ang ermitanyo nang makita ang damit at sinabi ninyang Iyon ay damit ni Hesukristo. Humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang mga sala.
Sinabi ng ermitanyo na limandaang taon na siya at wala pa siyang nalalamang ganoon kaharian. Sinangguni rin niya ang mga hayup kung may nalalaman sila pero wala ring masabi ang mga dumating sa kaniyang panawagan.
Sa huli ay pinayuhan niyang sumangguni sa kapatid niyang ermitanyo rin na nasa ikapitong bundok. Pinasakay niya ito sa likod ng isa niyang alaga na siyang naglipad sa kaniya sa kaniyang pupuntahan.

Katulad ng naunang ermitanyo, ayaw ding makiusap ang walongdaang taon na ermitanyo kung hindi ipinakita ni Don Juan ang piraso ng damit ni Jesus. 

Tinanong din ng ikalawang ermitanyo ang mga hayup kung alam nila ang de los Cristal na kaharian. Isang agila ang nakapagsabi kung nasaan yon.

Pinasakay siya sa likod ng agila at naglakbay sila nang isang buwan. 
Bago iniwan ng agila si Don Juan sa de los Cristal, pinagbilinan nito ang anyo ng tatlong prinsesa na naliligo sabay-sabay pero may kanya-kanya silang paliguan.


Talasalitaan:

Nananahanan – naninirahan

Nakababatid – nakakaalam

Pananalig – paniniwala

Pagsisiyasat – pag-iimbestiga

Suwayin – labagin




Kabanata 31 – Si Don Juan Patungo sa Crystales


Pinasakay siya sa likod ng agila at naglakbay sila nang isang buwan. 
Bago iniwan ng agila si Don Juan sa de los Cristal, pinagbilinan nito ang anyo ng tatlong prinsesa na naliligo sabay-sabay pero may kanya-kanya silang paliguan.


Talasalitaan:

Nagagalak – natutuwa

Nagbilin – nagsabi

Sasapitin – mararating




Kabanata 32 – Donya Maria ng Reyno


Tulad nang sinabi ng agila, dumating ang tatlong prinsesa sa anyong kalapati pagsapit ng ikaapat ng madaling-araw. Hinintay ni Don Juan sa paliguan ni Prinsesa Maria Blanca. Nang naliligo na ang prinsesa ay itinago ni Don Juan ang damit nito at hindi inlilabas hanggang makalipas ang isang oras at nagpupuyos sa galit and dalaga.

Nagpakumbaba ang prinsipe sa paghingi ng tawad sa prinsesa na naawa naman sa binata at kanya nang pinatawad matapos itong magpakilala na siya ay mula sa kaharian ng Berbanya.

Nagpahayag si Don Juan ng pag-ibig kay Prinsesa Maria Blanca. Ipinaliwanag ng prinsesa ang haharapin niyang pagsubok mula sa ama niyang Haring Salermo na gigising pagdating ng ikalima ng umaga.

Ipinakita niya na ang mga bato na nakapaligid sa kanila. Sila raw ay mga prinsipe, konde at mga kabalyero na tinalo ng kaniyang ama at ginawang bato ang katawan.  Dahil sa gusto na rin ng prinsesa si Don Juan, tinuruan niya ito kung anong gagawin pag nakita ang kaniyang ama. Una huwag niyang tatanggapin ang imbitasyon sa palasyo. 
Sundin niya lahat ang iuutos sa kanya at ang prinsesa ang gagawa ng paraan upang iyon ay matupad. 

Sabay-sabay na umalis ang mga prinsesa na nag-anyo ulit na kalapati.


Talasalitaan:

Pangungubli – pagtatago

Napagmalas – nakita

Lapastangan – bastos




Kabanata 33 – Mga Kahilingan ng Haring Salermo


Nagising ang hari at itinanong kay Don Juan kung ano ang pakay niya sa De los Cristal. Kagaya nang sinabi ni Prinsesa Maria Blanca, sinabi niya na gusto niyang mag-asawa sa isa sa mga prinsesa.

Nang inimbita siya sa palasyo ay tumanggi siya pero tinanggap niya lahat ang pagsubok na ibinigay ng Hari.

Unang pagsubok ay ang pagpantay ng bundok kung saan itatanim ang trigo na pinakuha niya sa kanyang mga utusan. Itatanim ni Don Juan ang trigo, patutubuin, gagapasin, gagawing arina para malutong tinapay na siyang kakainin sa almusal ng hari. Sa pamamagitan ng puting mahika ni Prinsesa Maria Blanca, nagawa ni Don Juan ang utos ni Haring Salermo. Kinabukasan namangha siya nang makita niya ang tinapay mula sa trigo.


Talasalitaan:

Hanggan – katapusan

Nasapit – narating

Ilangkap – isama

Nililimi – pinag-iisipan

Kasangguni – tagapayo



Kabanata 34 – Ikalawang Kahilingan

Pinakawalan ni Haring Salermo ang alaga niyang mga Negrito mula sa kinakulungang nitong malaking bote sa malawak na karagatan.
Utos kay Don Juan ay ibalik ang labindalawang Negrito sa bote kinabukasan paggising niya.

Muli ay tinulungan ni Princesa Maria Blanca ang prinsipe kaya kinabukasan ay namangha ang hari sa pagkakatupad ng kaniyang utos.


Talasalitaan:

Pagtupad – pagsunod

Maigi – mabuti

Nag-agahan – mag-almusal

Nagturing – nagsabi

Bitbitin – buhatin




Kabanata 35 – Ikatlong Kahilingan

Isang bundok ang hiniling ni Haring Salermo na pagalawin para makita niya kinabukasan sa harapan ng kaniyang bintana.

Ginawa ni Prinsesa Maria Blanca ang utos ng hari para kay Don Juan. Napg-isip-isip ang hari at ang kaniyang konseho na mas may alam ang lalaking ito kaysa sa mga naunang naghangad na mapakasal sa prinsesa.

Talasalitaan:

Masusubok – masusuri

Napapawi – nawawala

Durungawan – bintana

Mawari – maintindihan

Napanatag – natuwa




Kabanata 36 – Ikaapat na Kahilingan

Inutos niya kay Don Juan na ang bundok na inilapit niya sa bintana ay dalhin sa karagatan at gawing kastilyo. Ibinigay niya ang mga gusto niyang makita sa kastilyo. 
Inutos din niya ang paggawa ng daan mula sa palasyo hanging doon sa kastilyo.
Ginawa ulit ni Prinsesa Maria Blanca ang imposible utos ng hari kay Don Juan.


Talasalitaan:

Napatangi – naiba

Pananggol – panlaban

Panig – grupo

Lugod – tuwa

Tinutuluyan – tinitirhan




Kabanata 37 – Mga Huling Kahilingan


Habang kasama si Don Juan sa kastilyo, inisip ng hari kung saan kumukuha ng kapangyarihan ang prinsipe.

Sa pag-iinspeksiyon ng kastilyo, nahulog ang singsing ng hari sa karagatan.
Ang ikalima niyang utos ay pag-alis sa kastilyo sa karagatan at pagbalik sa bundok sa dati nitong kinalalagyan. 

Kinailangan ang tulong ni Don Juan para ito maisakatuparan ni Prinsesa Maria Blanca.

Sumakay sila sa isang batya at inutusan niya ang prinsipe na tadtarin ang katawan niya. Sumunod naman ang prinsipe. Nang matadtad ay naging maliliit na isda ang prinsesa.

Sa unang ahon ng daliri Prinsesa Maria na hawak ang singsing, walang kumuha sa singsing kasi nahimbing si Don Juan. Sa ikatlong pagbalik niya at tulog pa rin ang binata, bumalik siya sa katawan niyang tao at muling inutusan si Don Juan na siya ay tadtarin at abangan ang kaniyang paglutang ng kaniyang daliri na may hawak ng singsing.

Dahil sa pagkakamali sa pagtadtad, tumilamsik ang isang dulo ng daliri ng prinsesa. Ito ang sinabi niyang maaring palatandaan niya sa darating na araw.

Naibalik ni Prinsesa Maria Blanca ang singsing sa ilalim ng unan ng hari bago ito nagising.


Talasalitaan:

Humimbing – natulog

Naino – napansin

Patang-pata – pagod na pagod




Kabanata 38 – Ang Pagpili sa Kabayo

Hindi talaga sumuko ang hari sa pagsubok sa prinsipe. Ang sumonod na utos ay ang pagpapaamo sa isang kabayo. Nalaman ni Don Juan na ang kabayong yaon ay mismo ang hari at ang dalawang nagpapatakbo ay ang dalawa niyang kapatid samantalang siya ang makakapagpahinto sa kabayo.
Sinabihan niya na huwag huminto ng pananakit sa kabayo hanggang hindi ito lumuha at mapagod. Sa huli ay tinanggap na rin ni Haring Salermo na mas may kapangyarihan si Don Juan.


Talasalitaan:

Bumulaga – gumulat

Mangasiwa – mamahala

Sandata – panlaban

Mapuna – maobserbahan

Asam – gusto




Kabanata 39 – Pagpili sa Mapapangasawa

Walang nagawa ang Hari kung hindi payagang pumili nang mapapangasawa si Don Juan sa kaniyang tatlong prinsesa. 
Hindi inilantad ang mga mukha ng tatlong prinsesa pero napili ni Don Juan si Prinsesa Maria Blanca dahil sa kulang ito ng isang daliri.


Talasalitaan:

Haka-haka – sabi-sabi

Hinawa – sanay

Namamangha – natutuwa

Natitiyak – nasisiguro

Nagmumuni – nag-iisip



Kabanata 40 – Ang Lihim na Pakana ng Hari

Nagpasya ang hari na ipadala sa kapatid niya sa Englatera ang dalawa upang siya ang magdesisyon kung ipapakasal ang dalawa o hindi. Pag hindi nagustuhan si Don Juan ay papatayin siya ng kapatid ng Hari. Nalaman ito ni Prinsesa Maria Blanca kaya nag-isip itong tumakas.


Talasalitaan:

Mawari – maintindihan

Mahikayat – maengganyo

Tangkilikin – suportahan

Lumagda – pumirma

Magmatyag – mag-obserba




Kabanata 41 – Ang Pagtakas

Inutusan ni Maria Blanca si Don Juan na kunin ang ikapitong kabayo mula sa kuwadra pero sa pagmamadali niya ay ang ikawalong kabayo ang nahila niya. Nakita kaagad ng prinsesa ang mali kaya minadali na niya ang pagtakas. Pero nalaman ng Hari ang kanilang balak at hinabol niya ang dalawa. Sa pagkakamali ni Don Juan, ang kabayong nakuha ay hindi makatakbo nang matulin kaya itinapon ni Prinsesa ang karayom niya at ginawang mga pako sa daanan ng kaniyang amang humahabol. Huminto ang hari ng dalawang araw para lang malinis ang dadaanan.

Muling humabol ang hari at nang malapit nang maabutan ang prinsesa at si Don Juan, itinapon ni Maria Blanca ang kaniyang sabon na naging bundok ng bula. Hindi makahabol ng hari at mga kawal nito kaya sila ay lumigid sa bundok.

Nang maramdaman ng prinsesa na malapit na naman silang abutan ng humahabol, gumawa siya ng karagatan na siyang nakapahinto sa kaniyang amang humahabol. Benindisyonan niya ang anak at isinumpa na makakalimutan ito ni Don Juan pagdating si Berbania. Sa sama ng loob, namatay ang hari.


Talasalitaan:

Paglukso – pagtalon

Lumigid – umikot

Masusukol – makikilala




Kabanata42 – Ang Paghihiwalay

Nakarating sa Berbanya sina Prinsesa Maria Blanca at tulad ng sinabi ng Hari, iiwanan ang prinsesa sa labas ng kaharian. Sinabihan ng prinsesa si Don Juan na huwag magpapalapit sa babae ang prinsipe, kahit sa ina nito dahil makakalimutan siya ng binata.


Talasalitaan:

Likas – natural

Kamusmusan – kabataan

Tumpak – tama

Ilagak – iwanan

Kapiling – kasama




Kabanata 43 – Kasal ni Don Juan at Prinsesa Leonora

Pag pasok sa kaharian ni Don Juan ay luamabas kaagad si Prinsesa Leonora at lumapit sa kaniya. Agad nakalimutan ng prinsipe ang iniwanang si Prinsesa Maria Blanca. Ipinagtapat ni Prinsesa Leonora na mahal niya si Don Juan at hindi ang tampalasang si Don Pedro. Itinakda kaagad ng hari ang kasal nila kinalingguhan.


Talasalitaan:

Nagdurusa – naghihirap

Kimkim – dala

Pag-iwas – paglayo

Umimik – nagsalita

Naparam – nawala




Kabanata 44 – Pagdalo sa Kasal

Samatala, naghintay si Prinsesa Maria Blanca ng tatlong araw. Nalaman niya sa balita na pakakasal si Don Juan sa Linggong darating. Kumuha siya ng isang magarang karosa, nagsuot siya ng magarang damit at dumalo sa kasal. Inihinto muna ni Haring Fernando ang kasal para makapagpakita ng sayaw at laro ang dumating na Emperatris na si Maria Blanca.


Talasalitaan :

Gayak – ayos

Pagsungaw – paglabas

Dadalo – pupunta

Hangad – pinapangarap




Kabanata 45 – Nagtanghal si Donya Maria

Naghandog din si Donya Maria ng isang regalo para sa magkakasal na kayang magpapasaya sa mga magkakasal. Ang regalo ay isang prasko na may negrito at negrito na sumasayaw. Nagsasalita din ang mga negrito at negrita na binigay ni Donya Maria, at sinasabi ng negrito at ng negrita ang mga pinagdaanan ni Don Juan at Donya Maria, at tuwing natatamaan ang negrito nasasaktan si Don Juan.


Talasalitaan:

Kalulugdan – kasisiyahan

Humudyat – sumenyas

Umindak – sumayaw

Kasalo – kasama




Kabanata 46 – Ikalawang Pagtatanghal

Sa huli at hindi pa rin maalala ni Don Juan kung sino si Prinsesa Maria Blanca ay binalak nitong basagin ang malaking bote sa tinding galit. 

Dito naalala ni Don Juan kung sino ang emperatriz at siya ay himingi ng tawad. Hiniling niya sa ama na pakakasalan niya si Prinsesa Maria Blanca st hindi si Prinsesa Leonora.


Talasalitaan:

Tumangis – umiyak

Bagabag – problema

Dumalangin – magdasal




Kabanata 47 – Salaysay ni Prinsesa Leonora

Nagpaliwanag si Prinsesa Leonora tungkol sa pagligtas sa kaniya ng prinsipe at ang pagtangkang pagpatay ng mga kapatid kay Don Juan nang iniwan ito sa balon. Ang Haring Fernando ay nagpasiya na ipakasal si Prinsesa Leonora kay Don Juan.


Talasalitaan:

Magsasadya – Magpupunta

Mungkahi – suhestiyon

Hinangad – ginusto

Dinaluhong – sinugod




Kabanata 48 – Hatol ng Mahal na Hari

Si Prinsesa Maria Blanca naman ang nagsalaysay kung paano niya iniligtas ang buhay ni Don Juan sa kamatayan mula sa makapangyarihan niyang ama.

Naguluhan ang hari kaya ito ay sumangguni sa Arsobispo na sinabi naman na dapat ay pakasalan ni Don Juan si Prinsesa Leonora dahil ito ang unang nagging katipan.

Nagalit si Prinsesa Maria Blanca kaya itinapon niya ang tubig na nasa malaking bote. Bumaha sa palasyo at natakot ang mga tao.

Nagpasya si Don Juan na siya ay pakakasal kay Prinsesa Maria Blanca.

Sumangguni ulit ang hari sa arsobispo na nagpasyang magkaroon ng dalawang kasalan, sina Don Pedro at Prinsesa Leonora at si Don Juan at Prinsesa Maria Blanca.


Talasalitaan:

Tumpak – tama

Dulot – hatid

Magkaugnay – magkarelasyon

Mapanlinlang – mapanloko

Bumihag – umalipin




Kabanata 49 – Kasal ni Don Juan at Donya Maria


Tinaggihan ni Prinsesa Maria Blanca ang setro at korona ng Berbanya  dahil meron din siyang kaharian.  Ang setro at korona ay napunta kay Don Pedro at Prinsesa Leonora. Pagkatapos magpaalam ay bumalik na sa kaharian ng de los Cristal si Don Juan at Prinsesa Maria Blanca.  Ang mga tao sa kaharian na ginawang hayop at bato ng malupit na hari kaya’t ginawang tao muli ni Maria Blanca ang mga ito. Namatay na rin ang mga kapatid ni Prinsesa Maria Blanca. Kaya silang mag-asawa ang naging bagong emperador at emperatris sa nasasakupan nila. 


Talasalitaan:

Mahabag – maawa

Patatagin – palakasin

Nagtagni – nagdugtong

Pagtupad – pagsasagawa

Nagsipanaw - nawala









19 (na) komento:

  1. bakit wala abg muling pagbabalik sa berbanya nina don juan at donya maria


    TumugonBurahin
  2. saan po dito ang muling pagtakas nina don juan at donya maria

    TumugonBurahin
  3. saan po dito ang muling pagtakas nina don juan at maria blanca

    TumugonBurahin
  4. Asan dto ang parusa ni haring selermo

    TumugonBurahin
  5. Ano po yun talasalitaan ng makamandag at imik? Pasagot naman po

    TumugonBurahin
  6. Ano rin po yun talasalitaan ng pakana?

    TumugonBurahin
  7. Bakit wala pong pagtakas nila don juan at maria?

    TumugonBurahin
  8. Tama po ba ang paghahanap ni don juan kay donya maria??

    TumugonBurahin
  9. Hindi ko lubos na pasasalamatan si Dr EKPEN TEMPLE sa pagtulong sa akin na ibalik ang Kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip sa aking pag-aasawa matapos ang maraming mga isyu na halos humantong sa diborsyo, salamat sa Diyos na ang ibig kong sabihin ay si Dr EKPEN TEMPLE sa tamang oras. Ngayon masasabi ko sa iyo na ang Dr EKPEN TEMPLE ay ang solusyon sa problemang iyon sa iyong kasal at relasyon. Makipag-ugnay sa kanya sa (ekpentemple@gmail.com)

    TumugonBurahin
  10. Pede kabanata 110 para sa reporting lang po

    TumugonBurahin